Nagpatupad na ng leave ban ang Bureau of Immigration (BI) sa mga tauhan nito sa mga paliparan bilang paghahanda sa inaasahang dagsa ng mga pasahero ngayong Undas.
Sa panayam ng PTV kay BI Spokesperson Atty. Anisha Hadji Hassan, sinabi niyang layunin ng hakbang na matiyak ang sapat na bilang ng mga opisyal na magbabantay sa mga paliparan mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3.
“Para sa maximum availability ng ating mga officers, nagpapatupad tayo ng leave ban. Mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3, nililimitahan natin ang pag-apruba ng bakasyon,” ani Hassan.
Bukod sa dagdag-tauhan, tiniyak din ng ahensya na nakahanda ang kanilang mga e-gate upang mapabilis ang pagproseso ng mga international passenger.
Hirit pa ni Hassan na nagtalaga sila ng mga karagdagang tauhan at nakahanda ang kanilang “Rapid Response Team” na magsisilbing standby force kung sakaling tumaas pa ang bilang ng mga pasahero o kailanganin ang dagdag na opisyal sa bawat terminal.
Kasabay nito nagbigay rin ng ilang paalala ang BI para sa mga pasahero ngayong Undas.
Kasama rito ang pagdating ng mas maaga sa paliparan upang makaiwas sa aberya dahil sa sabay-sabay na flights.
Siguraduhing handa at kumpleto ang mga dokumento sa paglalakbay.
Mahalaga ring tandaan partikular sa international travelers na ihanda ang kanilang eTravel QR code na maaaring i-rehistro sa loob ng 72 oras bago ang aktibong pag-alis o pagdating upang mapabilis ang proseso sa immigration counters.