Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Inilahad ng isang Filipino community leader sa Jordan na nananatiling mapayapa sa kanilang host country sa kabila ng mga ulat na isa ang naturang bansa sa mga inatake ng Iran kamakailan.
Matatandaan na ang mga sinasabing pag-atake na ito ay naganap nang magtapos ang tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at ng Iran.
Sa programang “Babangon Sa Makabayang Serbisyo Publiko” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Federation of Filipino Associations in Amman Founder Luciana Obejas na bagama’t nagkaroon ng mga pagsirena kamakailan ay nai-intercept naman ang mga missile na nanggagaling sa Iran.
Samantala, ibinahagi ni Obejas na mayroong group chat ang Filipino community sa Jordan kasama ang ating Embahada at Migrant Workers Office (MWO) sa Amman.
Aniya, sa kaparehong group chat ibinibigay ang mga mahahalagang impormasyon sa FilCom leaders.
Ayon kay Obejas, sa Federation of Filipino Associations in Amman pa lamang ay mayroon na siyang hawak na walong FilCom leaders dahil sila ay nasa ilalim ng isang umbrella organization, at mayroon din silang sariling group chat.