Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Binalikan ng dalawang Filipino community leaders sa Bahrain sa himpilang Radyo Pilipinas World Service ang kanilang mga karanasan ngayong nasa isang linggo na ang mga pagsabog doon dulot ng pag-atake ng Iran.
Matatandaan na kamakailan ay natapos na ang tigil putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagbalik sa tensyon sa Gitnang Silangan, partikular sa usaping may kinalaman sa Strait of Hormuz.
Sa programang “Babangon Sa Makabayang Serbisyo Publiko”, inilahad ni Good Cause Bahrain Antonette Avila na siya ay nakatira malapit sa US Fifth Fleet, na isa sa mga base militar na tina-target ngayon ng Iran.
Ani Avila, sa kabutihang palad ay nai-intercept naman ang mga missile na pinakakawalan patungong Bahrain at mayroon din mga anunsyo bago pa makarating sa bansa ang pag-atake.
Dagdag niya, hindi rin sila pinababayaan pareho ng pamahalaan ng Bahrain at ng Embahada ng Pilipinas sa Manama.
Samantala, ibinahagi ni BrandMe CEO Cristina Fulgencio, na isa rin sa mga founder at opisyales ng Filipino Business Council of Bahrain, na bagamat may mga nararanasan silang pagsabog ay tuluy-tuloy ang trabaho para sa mga negosyanteng Pilipino na nasa kanilang host country.
Karamihan sa mga Filipino entrepreneurs sa Bahrain ay mga may-ari ng restaurants, salon owners, at mga nag-aalok ng professional services.
Ayon kay Fulgencio, bahagyang naapektuhan ang events services and tourism industry dahil sa kawalan ng kasiguraduhang dulot ng kasalukuyang tensyon sa rehiyon.