Paiigtingin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pag-inspeksyon nito sa mga sasakyang pandagat upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasaherong bibiyahe sa panahon ng Undas 2026.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, masusing susuriin ang pagkakaayos at pagkakasiguro ng mga kargamento, lalo na ang mga maaaring humarang sa mga emergency exit.
Kabilang din sa inspeksiyon ang mga kagamitang panlaban sa sunog, life-saving equipment, talaan ng mga pasahero, at pagsunod sa awtorisadong kapasidad ng barko.
Magde-deploy ang PCG ng 17,000 tauhan nito sa buong bansa, sa inaasahang aabot sa 1.5 hanggang dalawang milyong pasaherong bibiyahe sa dagat mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3.
Pinalalakas din ng ahensya ang koordinasyon sa MARINA, Philippine Ports Authority (PPA), at iba pang maritime stakeholders.
Target naman ng PCG na walang maitalang insidente sa dagat ngayong Undas.
Payo pa ng coast guard sa mga pasahero na huwag nang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit at iulat agad ang kahina-hinalang bagahe o indibidwal sa pamamagitan ng e-SUMBONG QR code na makikita sa mga pantalan at barko para sa agarang aksyon.