Itinanggi ni TESDA Secretary Kiko Benitez na pinahintulutan niya ang sinuman na mag-alok ng alokasyon na nagkakahalaga ng P5-milyon kay Senator Ping Lacson.
Sa kaniyang pahayag, sinabi ni Benitez na nagpapasalamat siya sa senador sa agarang pagpapaalam sa umano’y maling representasyon at handa ang TESDA na makipagtulungan upang matukoy ang katotohanan.
Ayon pa sa kalihim, bahagi ng regular na proseso ng ahensya tuwing panahon ng paghahanda ng pambansang budget ang pakikipag-ugnayan sa mga senador upang alamin ang kanilang mga concern sa TESDA.
Gayunman, nilinaw niyang taliwas sa direktiba ng ahensya ang anumang hindi awtorisadong alok, alokasyon, o panghihingi ng pondo na may kaugnayan sa mga mambabatas.
Iniutos na rin ni Benitez ang agarang internal investigation upang matukoy ang mga responsable at makapagsampa ng kaukulang kasong administratibo o kriminal, kung kinakailangan.
Tiniyak ng TESDA na pananatilihin nito ang integridad sa paghahatid ng mga serbisyo at ang tiwala ng publiko sa ahensya.