Nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na protektahan ang sarili laban sa alikabok at usok ngayong nararanasan ang epekto ng El Niño, dahil maaari itong magpalala ng mga sakit at problema sa paghinga.
Payo ng ahensya sa publiko, magsuot ng angkop na face mask, umiwas sa paglabas kapag maalikabok o mausok ang paligid, at huwag magsunog ng basura.
Ayon sa paalala ng DOH, ang paglanghap ng usok mula sa nasusunog na basura at iba pang pinagmumulan nito ay maaaring maglantad sa tao sa maliliit na particles na nakapipinsala sa kalusugan.
Pinapayuhan din ang publiko na magpakonsulta agad sa health center o ospital kung nakararanas ng hirap sa paghinga, wheezing, o hirap magsalita dahil sa paghingal.
Hinihikayat ang bawat pamilya na maging maingat at unahin ang kalusugan ngayong El Niño. Para sa agarang tulong sa oras ng emergency, maaari namang tumawag sa National Emergency Hotline 911.