Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na paiigtingin nito ang pagbabantay sa mga pampublikong sasakyan sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas.
Ayon kay Acting LTFRB Chairman Greg Pua Jr., magsasagawa ang mga enforcer ng random at surprise inspections, kabilang ang paggamit ng mystery riders.
Aktibo rin ang social media team sa pag-monitor ng mga reklamo laban sa mga driver at operator.
Nagbabala si Pua sa mga taxi operator laban sa overcharging, pamimili ng pasahero at pambabastos sa mga commuter.
Posibleng masuspinde o makansela ang Certificate of Public Convenience ng mga lalabag, bukod pa sa iba pang parusa. Nanawagan sa publiko ang LTFRB chief na i-report ang mga pang-aabuso sa LTFRB Hotline 1342 upang matiyak ang ligtas, maayos at komportableng biyahe ngayong Undas.