Nanawagan ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) para sa isang responsableng paggamit ng artificial intelligence (AI) habang tinitiyak na mapapangalagaan at mabibigyan ng makabuluhang espasyo ang wikang pambansa.
Ang mahalagang adbokasiyang ito ang naging pangunahing sentro ng mga bagong programa ng komisyon upang hindi maiwan ang sariling wika sa agos ng makabagong teknolohiya.
Sa ginanap na Kapihang Wika sa Philippine Information Agency, ayon sa pahayag ng KWF, bagaman isang makapangyarihang instrumento ang AI na nagpapabilis sa pagkuha ng impormasyon, hindi nito dapat palitan ang likas na talino at kakayahan ng tao.
Sa halip, dapat itong tingnan bilang kasangkapan upang maitaas pa lalo ang kalidad ng pananaliksik at mapayaman ang diskurso sa wikang Filipino.