File Photo: Amanda Jufrian/UNHCR
Pinangangambahang nasawi ang mahigit 500 indibidwal matapos lumubog ang dalawang bangka na lulan ang mga Rohingya refugee na naglalayag sa karagatan malapit sa baybayin ng Myanmar.
Ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) at International Organization for Migration (IOM), sakay ng mga bangka ang daan-daang refugees na nagtangkang tumakas sa lumalalang kaguluhan, kahirapan, at pag-uusig sa Myanmar.
Napaulat na may sakay na humigit-kumulang 250 indibidwal ang isang bangka habang nasa halos 280 naman ang lulan ng ikalawang bangka.
Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente at tuloy-tuloy rin ang paghahanap sa mga nawawala.
Sa ngayon ay kakaunti pa lamang ang kumpirmadong nakaligtas.
Binigyang-diin ng United Nations na nananatiling isa ang Rohingya sa mga grupo na pinakaapektado ng paglikas sa buong mundo.
Nanawagan din ang organisasyon sa pandaigdigang komunidad na palakasin ang suporta at proteksyon sa mga refugee upang maiwasan ang mas marami pang kahalintulad na trahedya sa hinaharap.