Posible pa ring umabot sa Korte Suprema ang anumang magiging desisyon ng Senate impeachment court kaugnay ng mga kahilingan ng prosekusyon para sa ipa-subpoena ang mga bank at tax records sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang inihayag ni Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol matapos tanungin kung maaari pang magsampa ng petisyon o humiling ng temporary restraining order (TRO) sa Korte Suprema laban sa magiging desisyon ng impeachment court sa usapin ng mga record.
Ayon kay Tongol, may dalawang school of thoughts ng constitutional law hinggil sa saklaw ng kapangyarihan ng Korte Suprema sa mga usaping impeachment.
Ang unang pananaw, na isinusulong ng mga tinatawag na “strict” o “textual constitutionalists,” ay nagsasabing eksklusibong kapangyarihan ng Senado bilang impeachment court ang paglilitis at pagdedesisyon sa kaso, kaya’t hindi na maaaring pakialaman o suriin pa ito ng hudikatura.
Gayunman, may isa pang pananaw mula sa “liberal constitutionalists” na naniniwalang maaari pa ring suriin ng Korte Suprema ang mga hakbang ng impeachment court kung may alegasyon ng grave abuse of discretion o pag-abuso sa kapangyarihan na nagreresulta sa kawalan o labis na paggamit ng hurisdiksyon.
Dahil dito, sinabi ni Tongol na nananatiling bukas ang posibilidad na umakyat sa Korte Suprema ang ilang usapin kaugnay ng impeachment proceedings.