Higit pa ngayong maipapalaganap sa mga tricycle driver at mga maliliit na negosyante sa lungsod ng Tuguegarao ang digital payment system makaraang mailunsad ang Paleng-QR Ph Plus program.
Mula sa inisyatiba ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at ng Department of Interior and Local Government, layon sa programang maipatupad ang cashless transactions sa mga tricycle driver, market vendor, at iba pang establisimyento, at ng kanilang mga pasahero at mamimili, gamit ang national QR Ph standard.
Ayon kay BSP Tuguegarao Branch Head Eva Marcos, sa implementasyon nito, sa pagsusulong sa digitalization, magiging mas mabilis, magaan, at ligtas ang transaksyon.
Sa pamamagitan pa nito ay higit na naisusulong ang financial inclusion, kung saan ang ibang sektor ay nabibigyan din ng access sa mga serbisyo ng financial service providers.
Samantala, bilang sila namang nakatutok sa pagsusulong sa digitalization, personal na dinaluhan ni Secretary Henry Aguda ng Department of Information and Communications Technology ang seremonya na tiniyak pa ang higit na pagpapalawak sa kanilang libreng Wi-Fi program, partikular na sa mga TODA terminal.
Sa pagpapakalat ng free wi-fi hotspot sa mga istratehikong lugar sa lungsod, hiniling pa niya na dapat ay gamit na gamit ito ng mga mamamayan.
Ang Paleng-QR Ph Plus program ay mas pinalawak na Paleng-QR PH program, kung saan mula sa mga tricycle driver at market vendor, layon na nito ngayong masaklaw ang lahat ng klase ng business establishment.

