Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buong suporta ng pamahalaang nasyonal sa Naga City Sidewalk and Active Transport Project, na layong gawing mas ligtas at mas maginhawa ang paglalakad at pagko-commute sa lungsod.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon, sisimulan na ngayong buwan ng kanilang ahensya ang road upgrade sa kahabaan ng M.T. Villanueva Avenue. Kabilang sa proyekto ang pagpapalawak ng mga sidewalk at bike lane, pagtatanim ng mga puno, paglalagay ng solar streetlights, tactile pavement, accessible curb ramps para sa mga person with disability (PWD), lay-by, at mga waiting shed para sa mga komyuter. Target din itong magsilbing modelo ng active transport project para sa iba pang urban areas sa bansa.
Sa pagbisita ni Secretary Dizon sa Naga City, sinabi niyang inaprubahan ni Pangulong Marcos ang plano ng lokal na pamahalaan at tiniyak ang buong suporta ng pambansang pamahalaan upang maisakatuparan ang proyekto bago matapos ang taon.
