Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bumaba ng 17% ang pekeng pera noong 2025, mula 69,925 tungo sa 57,945 na piraso. Malaking tulong daw ang mas mahigpit na security features at mas mahusay na training sa pag-detect ng counterfeit bills.
Pero sa polymer banknotes, biglang tumaas ang bilang ng pekeng pera sa 1,358 na piraso, mula sa tatlong kaso lang noong 2024. Maliit pa rin itong bahagi ng kabuuang counterfeit bills, pero hindi maikakailang may pag-akyat. Karamihan sa pamemeke, ayon sa BSP, ay gumagamit ng inkjet printing. At madalas nakukuha ang mga pekeng pera sa malls, supermarkets, at palengke.
Sa programang Diskarteng Wais sa Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni financial analyst Jonas Ravelas na natural na bantay-sarado ang Bangko Sentral sa ganitong usapin at ang pagbaba ng counterfeit cases ay patunay na gumagana ang security features at ang training ng mga tao sa field.
Pero yung pagtaas sa polymer, ani Ravelas, hindi ibig sabihin mahina ang polymer.
Ayon kay Ravelas, kaya umakyat ang bilang ay dahil lumalaki na ang paggamit, mas malawak na ang circulation, subalit mas matagal ang buhay ng polymer kumpara sa lumang papel, kaya mas exposed din ito sa iba’t ibang sitwasyon.
Sa kabilang banda, paliwanag ni Ravelas, lumalakas naman ang digital acceleration at nakita ito kamakailan na maraming bangko ang nag-adopt ng zero transfer fees.
Ang maganda, mabilis mag-adapt ang Pilipinas sa digital payments. Kaya habang may mga pekeng pera pa rin, ani Ravelas, lumalakas naman ang ecosystem na hindi na umaasa sa cash.