Mariing itinanggi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pahayag ng grupong Bayan na hinaharang umano nito ang mga nakatakdang protesta kaugnay ng ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon sa NCRPO, iginagalang nito ang karapatan ng publiko sa malayang pagpapahayag at mapayapang pagtitipon. Iginiit din ng pulisya na wala itong legal na kapangyarihang magbigay o tumanggi sa permit para sa mga rally dahil nasa lokal na pamahalaan ang naturang proseso.
Sinabi pa ng NCRPO na ang tungkulin nito ay tiyakin lamang ang seguridad at kaayusan ng mga raliyista at ng publiko. Nakikipag-ugnayan na rin umano ito sa mga lokal na pamahalaan, iba pang kinauukulan, at mga organizer upang maihanda ang angkop na seguridad sa oras na pinal na ang lugar ng mga protesta.
Tiniyak ng NCRPO na mananatili itong propesyonal sa pagpapatupad ng seguridad at susunod sa umiiral na police operational procedures upang matiyak ang mapayapa, maayos, at ligtas na pagdaraos ng mga kilos-protesta sa panahon ng SONA.
Inaasahan namang magde-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng mahigit 20,000 pulis sa paligid ng Batasang Pambansa sa Quezon City para sa SONA. Tutulong din sa seguridad ang Armed Forces of the Philippines (AFP), kasama ang Philippine Coast Guard (PCG), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng traffic management.