Pinalawak ng Department of Energy (DOE) ang kampanyang O.N.E. (Oras Natin ’To Efficiency) sa Visayas bilang bahagi ng pagsusulong ng pagtitipid sa enerhiya at pagpapalawak ng pakikipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan.
Sa pangunguna ni Energy Secretary Sharon Garin, inilunsad ang unang regional activation ng kampanya sa Festive Walk Mall sa Iloilo City. Hinikayat ng DOE ang mga kabahayan, negosyo, at institusyon na makiisa sa lingguhang energy-saving activity sa pamamagitan ng pagpatay ng mga hindi kailangang ilaw at appliance tuwing Sabado, mula 8:00 hanggang 9:00 ng gabi.
Kasabay nito, lumagda rin ang DOE sa limang bagong Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang mga pamahalaan ng Iloilo, Antique, Aklan, at Capiz, gayundin ang DepEd Region VI, sa ilalim ng Solar Solutions for Government Program. Layunin nitong palawakin ang paggamit ng solar energy, energy-efficient retrofits, at iba pang hakbang upang mabawasan ang konsumo ng kuryente sa mga pampublikong gusali.
Ayon sa DOE, magpapatuloy ang pagpapalawak ng O.N.E. Campaign at Solar Solutions for Government Program sa iba pang bahagi ng bansa upang mapalakas ang energy security, mapababa ang paggamit ng kuryente, at maisulong ang malinis at sustainable na paggamit ng enerhiya.