Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Magsisilbing tulay ang kasunduan sa pagitan ng Department of Justice (DOJ) at ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa pormal sa sistema ng katarungan at tradisyunal na justice systems sa iba’t ibang komunidad dito sa Pilipinas.
Ito ang ibinahagi ni OPAPRU Chief-of-Staff Atty. Mary Marjorie Martin-Chan sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service kaugnay ng pagbuo isang Technical Working Group (TWG) na layong magbalangkas ng mga panuntunang sensitibo sa kultura at nakabatay sa batas upang mawakasan na rin ang mga tinatawag na “rido” o clan feuds sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at sa mga kalapit na lugar.
Ayon kay Atty. Martin-Chan, sa ngayon ay mayroong mga isinasagawan hakbang ang mga local leader upang maisaayos ang ugnayan ng mga nag-aaway-away na pamilya sa kanilang komunidad ngunit dahil mayroong mga kasuhan ay dumidiretso pa rin ang mga ito sa korte.
Paliwanag ng OPAPRU chief-of-staff, ang mga ganitong awayan ay nagdudulot ng tension kaya naman gagawa ng mga polisiya sa ilalim ng bubuuing TWG, kung saan pagbubuklurin ang law enforcement at peacebuilding efforts.
Dagdag niya, mahalaga ang pagsasama ng dalawang sistemang ito upang hindi napapababayaan ang prosecutorial goals ng DOJ at mapanatili ang kapayapaan sa lugar na nagkamit na ng tagumpay sa paghahawak ng mga sigalot sa kanilang lugar.
Matatandaan na umabot na sa 161 ang mga kaso ng “rido” mula 2023 hanggang Abril 2026.