Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Magsisilbing research and development year ng Commission on Elections (Comelec) ang taong 2026 sa layong maisagawa na rin ang procurement ng sistemang ipatutupad sa halalan 2028.
Ito ang ibinahagi ni Comelec Spokesperson Dir. John Rex Laudiangco sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” kaugnay ng maagang aktibasyon ng Comelec Advisory Council (CAC).
Ani Dir. Laudiangco, batay sa kanilang timeline ay pagtutuunan ng pansin sa 2027 ang produksyon ng mga makina para sa taong 2028 ay mabigyang-pokus naman ang mga balota at ang panahon ng pangangampanya.
Ayon pa sa tagapagsalita ng Comelec, iniiwasan ng komisyon ang paghahabol dahil karaniwang isang taon bago ang halalan saka pa lamang ibinibigay ang budget para sa automation.
Dagdag niya, dumadating pa noon sa punto na mismong taon ng eleksyon ay tuloy pa rin ang produksyon ng mga makina, at inihahabol pa ang testing ang certification ng mga ito.
Kaya naman, ani Dir. Laudiangco, ay siniguro ng Comelec na 2026 pa lamang ay mayroon nang inisyal na budget upang masunod ang kanilang timeline para sa 2028 national and local elections.