May sinusundan nang lead ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa pagkakakilanlan ng salarin na nasa likod ng paghahagis ng granada sa Brgy. Mother Poblacion, Shariff Aguak sa Maguinandao del Sur noong Sabado, July 18.
Ayon kay PNP Acting Spokesperson, Police Colonel Allen Rae Co, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa mabilis na pagkaka-aresto ng mga salarin.
Magugunitang lima ang naitalang sugatan sa nabanggit na insidente na kinabibilangan ng dalawang tauhan ng 2nd Scout Ranger Battalion ng Philippine Army at tatlong Sibilyan.
Nabatid na patungo sanang Isulan sa Sultan Kudarat ang mga Sundalo na sakay ng military truck nang hagisan ng granada ng dalawang hindi natukoy na mga lalaki na sakay ng motorsiklo.
Sinabi ni Co na aalamin pa ng mga awtoridad kung bahagi ng isang grupo ang mga salarin at kung ano ang motibo sa pag-atake sakaling makumpirma ang kanilang pagkakakilanlan at maaresto.
Nasa maayos at ligtas na kalagayan na rin ang mga biktima matapos magtamo ng shrapnel wounds.