Nilinaw ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) nitong Miyerkules na hindi kailangan ng mga Pilipino ng valid government ID upang makakuha ng Postal ID.
Ayon sa PHLPost, ang mga first-time applicant ay kailangan lamang magsumite ng mga sumusunod na batayang kinakailangan:
- Birth Certificate (Mula sa PSA o Local Civil Registrar)
- Barangay Certificate o iba pang katanggap-tanggap na patunay ng tirahan (proof of address)
- Duly accomplished Postal ID Application Form
“Ang Postal ID ay idinisenyo mula noong una upang mas madaling makapagpatunay ng pagkakakilanlan ang mga Pilipino—lalo na ang mga ngayon pa lamang kukuha ng kanilang kauna-unahang government-issued ID,” pahayag ni Postmaster General at CEO Maximo Sta. Maria III.
“Sa pamamagitan lamang ng birth certificate at proof of address, maaari nang simulan ng mga kwalipikadong aplikante ang proseso ng pagkuha ng isang maaasahang pampublikong dokumento,” dagdag pa niya.
MGA ALTERNATIBONG DOKUMENTO AT KAPAKINABANGAN
Para sa mga aplikanteng walang maipresentang barangay certificate, ipinaalala ng PHLPost na maaari ring magsumite ng iba pang alternatibong proof of address tulad ng mga kamakailang billing statement ng:
- Kuryente (Meralco o lokal na electric coop)
- Tubig
- Internet
- Iba pang utility bill na nakapangalan sa aplikante at nagpapakita ng kanyang kasalukuyang tirahan.
Isinagawa ng PHLPost ang paglilinaw na ito upang iwasto ang maling paniniwala ng ilan na kailangan muna ng ibang opisyal na ID bago makakuha ng Postal ID.
Malaking tulong ang Postal ID sa mga mag-aaral, job seekers, senior citizens, solo parents, PWDs, at mga kababayan sa mga malalayong komunidad. Tinatanggap ito sa iba’t ibang transaksyon sa gobyerno at pribadong sektor, tulad ng:
- Pagbubukas ng bank account
- Pag-apply ng pasaporte
- Pagkuha at pagpapadala ng mga parcel o koreo
- Pagproseso ng iba’t ibang legal at pinansyal na dokumento
###