Nagbabala ang Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko laban sa “quishing” o QR code phishing.
Ito ay isang uri ng scam na gumagamit ng mapanlinlang na QR codes upang makuha ang personal at banking information ng mga biktima.
Ayon kay PNP-ACG Director Police Maj. Gen. Wilson Asueta, mahalagang tiyakin muna na mula sa lehitimo at awtorisado ang pinagmulan ng QR code bago ito i-scan.
Hinikayat din niya ang publiko na maging mapanuri at mag-ingat sa pag-scan ng QR codes upang hindi mabiktima ng mga cybercriminal.
Sinabi ni Asueta na nakatanggap ng mga ulat ang ACG tungkol sa mga indibidwal na nabiktima ng mga pekeng QR codes at mapupunta sa pekeng website at hinihingan sila ng personal at financial information.
Aniya, kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya ang pagbabago ng mga modus ng mga scammer kaya mahalagang manatiling mapagmatyag.
Sa ngayon, nakikipagtulungan ang PNP-ACG sa Department of Trade and Industry (DTI) sa pagmo-monitor ng online selling activities upang matukoy at mapanagot ang mga gumagamit ng QR codes sa panloloko.