Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng napaulat na insidente na kinasangkutan ng mga pulis at mga miyembro ng media sa isang rally sa Pasay City kasabay ng mga aktibidad para sa ASEAN meetings kahapon.
Ito ay matapos ang umano’y pagtatangkang pag-aresto sa dalawang photojournalists dahil ayaw umanong pakuhaan ng larawan ng Pulisya ang ginawang paghuli sa isang raliyista sa kalagitnaan ng tensyon sa rally.
Ayon kay PNP Chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kinikilala ng PNP ang mahalagang papel ng media sa pag-uulat ng mga kaganapan at iginagalang ang kalayaan ng mga mamamahayag.
Gayunman, sinabi niyang tungkulin pa rin ng mga pulis na tiyakin ang kaligtasan ng publiko, mapanatili ang kaayusan, at ipatupad ang batas.
Aniya, pinaalalahanan din ang mga pulis na naka-deploy sa mga pagtitipon na pairalin ang maximum tolerance at propesyonalismo habang mahigpit na sinusunod ang umiiral na operational procedures.
Tiniyak ni Nartatez na magiging patas ang imbestigasyon at paiiralin ang due process. Aniya, mananagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas.