Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Isa ang financial stability sa mga usaping nais ng overseas Filipino workers (OFWs) at non-resident Filipinos (NRFs) na mas lalong mabigyan ng pansin ng ating pamahalaan.
Matatandaan na ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, umabot sa record-high na USD35.63 billion ang kabuuang cash remittances mula sa mga OFW noong 2025, mas mataas ng 3.3 porsyento mula sa USD34.49 billion noong 2024.
Sa programang “Babangon Sa Makabayang Serbisyo Publiko” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Saudi Arabia-based Filipino nurse Arlene Navarro na bagama’t hindi sila gaanong naapektuhan ng global economic challenges pagdating sa pagpapadala ng remittances, hiling niya na sana ay matulungan pa ng ating gobyerno ang mga OFW pagdating sa pagsisimula ng kani-kanilang mga negosyo sa Pilipinas man o sa ibayong dagat upang matulungan ang mga mahal nila sa buhay.
Binigyang-diin ni Navarro na mas maganda na habang nagtatrabaho ang mga OFW ay may mapagkakakitaan na ang kanilang pamilya upang uuwi na lang sila para i-maintain at i-sustain ang masisimulang negosyo.
Samantala, inihayag naman ng Pilipinong guro sa Thailand na si Bryan San Miguel-Doctor ang kanyang pagnanais na magkaroon ng mababang remittance fee.
Dagdag ni San Miguel-Doctor, nais din niya na makapagpadala ang mga OFW nang ligtas sa kanilang mga mahal sa buhay dahil may mga nabibiktima sa mga ito ng scammers na naniningil pa ng mas mataas na rates.
Sa usapin ng pagbabalik ng Pilipinas at pagsisimula muli, sinabi ng Pilipinong guro na hangad niya na mabigyan sila ng pamahalaan ng kakayahan upang maging mas handa sa kanilang pag-uwi, tulad ng pagbibigay ng kapital sa pagnenegosyo at pagpapalaganap ng financial literacy awareness.
Sa panig naman ni Filipino-Danish Group Founder and President Rossal Kisby, kanyang inimungkahi ang pagkakaroon ng health plans para sa mga OFW na bumalik na ng Pilipinas.
Ani Kisby, kahit na nakatatanggap ng pensyon ang ating mga kaabayan mula sa ibang bansa ay hindi pa rin ito sasapat, lalung-lalo na kung kailangan ng OFW returnees ang tuluy-tuloy na pagpapagamot.