Nananatiling mapayapa ang sitwasyon sa Saudi Arabia sa kasalukuyan, ayon sa embahada ng Pilipinas doon, dahil malakas ang depensa at nakokontrol ng Saudi Government ang mga pag-atakeng isinasagawa ng grupong Houthis sa ilang mga paliparan at hangganan sa rehiyon.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Philippine Ambassador to the Kingdom of Saudi Arabia at Republic of Yemen, Raymond Balatbat, sinabi nito na patuloy ang assessment at restoration ng Saudi sa mga pinsalang natamo ng Riyadh International Airport dulot ng mga pag-atake ng Houthi upang maibalik na ang operasyon ng nasabing paliparan.
Ayon kay Balatbat, mayroong apat na mga Pilipino ang nasugatan sa nangyaring pag-atake na naisugod sa paggamutan. Ang isa ay nakalabas naman kaagad ng ospital, habang ang tatlo ay inaasahang makalalabas na rin sa mga susunod na araw.
Samantala, sinabi naman ni Balatbat na mayroon ding humigit-kumulang 1,000 Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa Yemen.
Aniya, karamihan sa mga Pilipino na nasa Yemen ay nakapag-asawa na ng Yemenis at nakatira sa Sanaa Region, kung saan naroon ang mga Houthis, kaya’t mahirap para sa embahada na makapunta sa lugar.
Sa kabila nito, mayroon naman aniya silang komunikasyon sa mga Filipino Community sa Yemen at nakapagbibigay ng kanilang mga impormasyon at sitwasyon sa rehiyon.