Kinumpirma ng House prosecution team na natapos na nito ang presentasyon ng mga ebidensiya para sa Article II ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa post-trial press conference nitong Lunes, sinabi ni House prosecutor Rep. Chel Diokno na natapos na nila ang trabahong itinakda para sa naturang artikulo, na tumatalakay sa alegasyon ng unexplained wealth.
Gayunman, hindi nangangahulugan ang pagkumpleto ng Article II na pormal nang natapos ang buong presentasyon ng prosecution, dahil hinihintay pa ang paglilinaw ng impeachment court sa mga natitirang usaping procedural kaugnay ng iba pang artikulo ng impeachment complaint.
Samantala, sinabi naman ni House prosecutor Rep. Terry Ridon na hindi nababahala ang House prosecution team sa planong paghaharap ng depensa ng hanggang 90 testigo sa pagpapatuloy ng impeachment trial.
Aniya, karapatan ng depensa na magharap ng maraming testigo hangga’t nais nito upang ipagtanggol ang bise presidente.
Ayon kay Ridon, maaari itong magharap ng isa, lima, 90 o kahit 900 testigo dahil nasa panig na nito ang pagkakataong maglatag ng ebidensiya.