📸 contributed
Inireklamo ngayon sa Office of the Ombudsman ang ilang dati at kasalukuyang opisyal at kawani ng Laguna LGU, kabilang si Governor Sol Aragones.
Kaugnay ito ng mga alegasyon ng iregularidad sa operasyon ng Santa Cruz Chemotherapy Center sa loob ng Laguna Medical Center.
Sa complaint, nakasaad ang mga reklamo ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, gayundin sa grave misconduct at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ayon kay Laguna Board Member Lorenzo Zuniga Jr., isa sa mga naghain ng reklamo, batay sa mga dokumentong hawak ng kanilang grupo, nag-ooperate umano ang pasilidad nang walang kaukulang mga permit.
Binigyan na rin umano ang pasilidad ng notice of violation at cease-and-desist order ng Department of Health dahil sa kawalan ng kinakailangang license to operate.
Hiling ng grupo sa Office of the Ombudsman na imbestigahan ang mga alegasyon at pansamantalang patawan ng preventive suspension ang mga inirereklamong opisyal.
Wala pa namang pahayag ang kampo ni Aragones hinggil sa reklamo.