House Speaker Faustino Bojie Dy III
Nagpasalamat si House Speaker Faustino Dy III kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paggabay, pamumuno at malasakit nito upang maisulong ang mga programang makatutulong sa mga Pilipino.
Sa kaniyang session break speech, ibinida ni Dy ang mga panukalang batas na inaksyunan ng Kamara, kabilang ang mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.
Kabilang dito ang Presidential Merit Scholarship Program na niratipikahan ng Kongreso, gayundin ang Free OFW Financial Education Act at Basic Education Voucher Assistance Act na kapwa naipasa sa ikatlo at huling pagbasa.
Ayon kay Dy, sa 61 LEDAC priority measures, 32 na ang naaksyunan ng Kamara, habang umabot naman sa 654 ang kabuuang mga panukalang batas at resolusyong naaprubahan ng Kapulungan.
Binigyang-diin ni Dy na mahalaga ang matibay na ugnayan ng ehekutibo at lehislatura upang maipasa ang mga batas na may direktang pakinabang sa sambayanang Pilipino.
Pinasalamatan din ni Dy sina Majority Leader Sandro Marcos, Minority Leader Marcelino Libanan, mga deputy speaker, mga chairperson ng komite at iba pang mambabatas, gayundin ang mga kawani ng Kamara, sa masusing pagbuo at pagpasa ng 2027 national budget. Partikular niyang kinilala si Appropriations Chair Mika Suansing na puspusang nagtrabaho sa kabila ng kaniyang pagdadalang-tao.