Office of the Ombudsman
Pinatawan ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension nang walang sahod si Sigma, Capiz Vice Mayor Stephen Alayon.
Ito ay dahil sa umano’y hindi niya pag-aksyon sa isang solar water system project para sa mga barangay.
Nahaharap si Alayon sa mga kasong grave abuse of authority, neglect of duty, conduct prejudicial to the best interest of the service, at paglabag sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.
Ayon sa Ombudsman, may matibay na ebidensya na nagkasala si Alayon ng grave abuse of authority, dahil sa pag-abuso niya sa kapangyarihan bilang Presiding Officer ng Sangguniang Bayan.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Sigma, Capiz Mayor Dante Rizal Eslabon, matapos umanong tumanggi si Alayon na isalang sa agenda ang hiling ng alkalde na pumasok sa usufruct agreement sa Barangay Poblacion Sur at Poblacion Norte.
Layon ng kasunduan na mailipat sa dalawang barangay ang pamamahala sa isang water project na ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), para magkaroon ng maaasahang suplay ng tubig.