Kinalampag ng isang mambabatas ang pamahalaan na tutukan ang reporma sa mga kabataang nasasangkot sa mga gang na sangkot sa kriminalidad.
Kasunod ito ng pangako ng Philippine National Police (PNP) na buwagin ang mga grupong nanghihikayat ng mga menor de edad na gumawa ng krimen.
Ayon kay Abra lone district Representative JB Bernos, mahalagang hindi lamang buwagin ang mga grupong ito kundi bigyan din ng pagkakataon ang mga kabataang miyembro na magbago at mailayo sa masasamang impluwensiya.
Paliwanag ng mambabatas, posibleng bumuo lamang ng panibagong grupo ang mga kabataan kung hindi matutugunan ang kanilang pangangailangan sa pagkakaibigan at pakikisalamuha.
Dahil dito, hinimok niya ang mga lokal na pamahalaan na maglunsad ng mga aktibidad sa sports, arts o sining at bolunterismo upang magkaroon ng positibong libangan ang mga kabataan.
Giit ni Bernos, dapat mabigyan ang mga kabataan ng mas mabuting alternatibo upang maipahayag ang kanilang interes at makaiwas sa kriminalidad.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa pagsasamantala at masasamang impluwensiya.