Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Patuloy ang Department of Education (DepEd) sa hiring at promosyon para sa mga bagong aprubadong school-based plantilla positions ngayong taon.
Layunin nitong higit pang mapalakas ang teaching at administrative workforce sa mga pampublikong paaralan.
Sa datos ng DepEd, napunan na ang 19,320 sa 20,000 Teacher I positions at 9,937 sa 10,000 Administrative Officer II positions na inilaan sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, ang bawat gurong naha-hire ay pamumuhunan para sa dekalidad na edukasyon, kaya nananatili aniyang prayoridad ng DepEd ang mabilis at transparent na pagpuno sa mga bakanteng posisyon.
Kasunod nito, nagpapatuloy ang hiring at deployment para sa 32,916 bagong Teacher I positions na inaprubahan sa ilalim ng fiscal year 2026 budget.
Kabilang din sa mga bagong school-based plantilla positions ang 6,000 School Principal I, 11,268 Administrative Officer II, 5,000 Project Development Officer I, at 10,000 School Counselor Associate I positions, na maaaring simulan ang hiring sa oras na matanggap ng mga field office ang Notice of Organization, Staffing, and Compensation Action (NOSCA) mula sa Department of Budget and Management (DBM).