Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Umaasa ang mga Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan sa ibang bansa na matatalakay sa ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang iba’t ibang usapin na direktang makakaapekto sa kanina o sa kanilang mga mahal sa buhay na nandito sa Pilipinas.
Sa Pre-SONA special ng programang “Babangon Sa Makabayang Serbisyo Publiko” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ng Pilipinong nars na si Arlene Navarro, na nakabase ngayon sa Kingdom of Saudi Arabia, na nais niyang matutukan ng ating pamahalaan ang lagay ng mga overseas Filipino worker (OFWs) na nagpupunta sa Middle Eastern countries, lalung-lalo na ang mga household workers, dahil hindi pa rin naiiwasan ang mga kaso ng pang-aabuso sa mga ito.
Pagdating naman sa Filipino professionals na nasa ibayong dagat, inihayag ni Navarro ang pagkakaroon ng “upgrading” pagdating sa kanilang mga kaalaman dahil uuwi pa rin ang mga OFW sa Pilipinas. Dito ay kanyang nabanggit ang pagpapalakas ng reintegration efforts ng ating pamahalaan upang maging mas madali para sa OFWs na maibahagi ang kanilang natutunan sa ibang bansa.
Dagdag ng Filipino nurse, maganda na mapalawak ang kakayahan ng OFWs sa pamamagitan ng training mula sa Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) bilang bahagi na rin ng reintegration.
Umaasa naman si Bryan San Miguel-Doctor, isang Pilipinong guro sa Thailand, na mapapalawak ng administrasyong Marcos ang mga programa na nagbibigay-proteksyon sa mga OFW at sa kani-kanilang pamilya, kabilang na ang pagpapabilis sa serbisyo ng mga ahensya at mas maraming oportunidad para sa reintegration.
Inaasahan din ni San Miguel-Doctor na maririnig niya sa SONA ni Pangulong Marcos ang pangmatagalang plano para sa pambansang kaunlaran, na nakabatay sa good governance, transparency, at pagkakaisa.
Samantala, nais marinig ni Filipino-Danish Group Founder and President Rossal Kisby sa SONA ng ating pangulo ang paglalaan ng mas malaking pondo para maasistehan ang mga OFW at kahit ang non-resident Filipinos (NRFs).
Ipinunto ni Kisby na kahit sila ay mga permanente nang residente sa ibang bansa ay nagbabakasyon at nagpepensyon pa rin sila sa Pilipinas.
Aniya, kasama rin ang mga NRFs sa nagpapadala ng remittances sa kanilang mga kaanak sa Pilipinas kaya naman mayroon din silang kontribusyon sa ating ekonomiya.