Photo courtesy of Department of Migrant Workers (DMW)
Lumagda ang Department of Migrant Workers (DMW) at Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa isang Memorandum of Agreement (MOA).
Ito’y upang palakasin ang proteksyon ng overseas Filipino workers (OFWs) at kanilang pamilya laban sa online illegal recruitment at cybercrime.
Pinangunahan nina DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac at PNP-ACG Acting Director PMGEN Andre P. Dizon ang paglagda sa DMW Central Office sa Mandaluyong City.
Bahagi ito ng pagtutulungan ng dalawang ahensya laban sa digital exploitation at iba pang krimeng ginagawa sa internet.
Saklaw ng kasunduan ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa online scams, digital literacy, anti-illegal recruitment, at trafficking bilang bahagi ng Pre-Employment Orientation Seminar (PEOS).
Kabilang din dito ang pagsasanay tungkol sa mga bagong paraan ng cybercrime, pagbuo ng mga kaso, palitan ng impormasyon, at koordinasyon sa mga imbestigasyon laban sa online illegal recruitment, trafficking, fraud, at identity theft.
Binigyang-diin ni Cacdac ang kahalagahan ng pagtiyak na lehitimo ang mga recruitment agency at aprubado ng DMW ang mga job order bago mag-apply ng trabaho sa ibang bansa.
Sa panig ng ACG, nanawagan din si Dizon sa publiko, magtulungan upang maprotektahan ang mga migranteng manggagawa laban sa mga krimeng nagaganap online.