Mas pinalalakas ng Japan at mga bansang nasa Mekong sub-region ang kanilang kooperasyon upang tugunan ang lumalawak na hamon sa seguridad, ekonomiya, at klima, kasabay ng layuning mapanatili ang isang malaya at bukas na Indo-Pacific.
Sa pagbubukas ng ika-17 Mekong-Japan Foreign Ministers’ Meeting, sinabi ni Japanese Foreign Minister Motegi Toshimitsu na nananatiling mahalagang rehiyon ang Mekong sa pagsusulong ng Free and Open Indo-Pacific. Binigyang-diin niya ang pangangailangang palawakin ang pagtutulungan laban sa mga banta tulad ng krisis sa enerhiya, climate change, at operasyon ng mga scam center, pati na rin ang pagpapalakas ng kooperasyon sa energy security, critical minerals, at artificial intelligence.
Samantala, sinabi ni Vietnamese Foreign Minister Lê Hoài Trung na ang tunay na halaga ng Mekong-Japan partnership ay nakasalalay sa kakayahan nitong umangkop sa nagbabagong sitwasyon sa rehiyon. Aniya, sa harap ng magkakaugnay na hamon at oportunidad sa Asya, layunin ng alyansa na magbigay ng panibagong sigla sa kooperasyon para sa seguridad, konektibidad, at napapanatiling pag-unlad ng Mekong sub-region.
Inaasahang magsisilbing gabay ang mga napagkasunduan sa pulong upang higit pang palawakin ang Mekong-Japan cooperation at palakasin ang katatagan at kaunlaran ng sub-region sa harap ng mga umuusbong na hamon.| ulat ni Ej Lazaro