Nanawagan ang pamahalaan ng Palestine sa mga bansang kasapi ng Conference on Cooperation among East Asian Countries for Palestinian Development o CEAPAD na palakasin ang humanitarian assistance at suporta sa muling pagbangon ng Gaza.
Sa ikalimang CEAPAD Ministerial Meeting sa Maynila, inilarawan ni Palestinian Minister for Social Development Dr. Samah Hamad ang sitwasyon sa Gaza bilang isa sa pinakamalalang humanitarian crisis sa ika-21 siglo. Ayon sa kanya, sa nasabing sigalot ay mahigit 73,000 na umano ang nasawi, karamihan ay kababaihan at mga bata, habang milyon-milyon ang naapektuhan ng digmaan at sapilitang lumikas.
Hinimok nito ang mga bansa sa Silangang Asya na ipagpatuloy ang agarang humanitarian aid at suportahan ang rekonstruksyon ng Gaza sa ilalim ng lehitimong pamahalaang Palestinian. Binigyang-diin din nito na hindi magiging posible ang two-state solution kung walang kinikilala at gumaganang Palestinian Authority na mamumuno sa Gaza at West Bank.
Samantala, bilang host ng ministerial meeting, muling iginiit ng Pilipinas ang suporta nito sa two-state solution, na ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa pangunguna ni Secretary Ma. Theresa Lazaro, ay nananatiling tanging daan tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa pagitan ng Palestine at Israel.
Sa pamamagitan ng CEAPAD, inaasahang magpapatuloy ang pagtutulungan ng mga bansang kasapi sa pagpapalakas ng mga suporta nito para sa pangmatagalang kaunlaran ng mamamayang Palestinian. | ulat ni Ej Lazaro