Pinaigting ng Bureau of Immigration (BI) ang screening sa Davao International Airport bilang bahagi ng pagpapatupad ng immigration laws matapos matukoy ang ilang kaso kung saan hindi nagtutugma ang idineklarang layunin ng pagpasok ng ilang foreign nationals at ang impormasyong lumabas sa immigration interview.
Ayon sa isang Bureau of Immigration Officer ng Davao na tatawagin na lamang na Alyas IPE, may mga foreign nationals lalo na ang Chinese nationals na nagdedeklara ng “visit for pleasure” ngunit sa verification ay lumalabas na may iba silang layunin.
Kabilang na dito ang pagtatrabaho sa ilang minahan sa Butuan, Surigao, at iba’t-ibang lugar sa Mindanao na nangangailangan ng kaukulang pahintulot.
Kasabay nito, sinabi ni Alyas IPE na nagsasagawa rin ang BI Davao ng validation kaugnay ng mga ulat ng umano’y paggamit ng pangalan ng ilang kilalang personalidad upang maimpluwensiyahan ang immigration process.
Aniya, kabilang sa mga personalidad na isinasailalim sa validation batay sa Kabilang nakalap na reports ang mga gumagamit ng alyas na “Karlo Labi” at “Serip Gerua.”
Samantala, nilinaw ni James Edwin O. Go, board member ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCCI) Davao, na hindi siya kailanman nakipag-ugnayan, humingi ng tulong, o nagbigay ng pahintulot sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCI) – Mindanao Chapter o sa sinumang kinatawan nito upang gumawa o magsumite ng complaint letter kaugnay ng insidente sa Davao International Airport.
Ito’y matapos may gumamit ng pangalan ng organisasyon kauganay sa mga pumapasok na Chinese nationals. | ulat ni DK Zarate