Kung si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang tatanungin, walang nangyaring harassment sa muntikang pag-aresto sa 2 photojournalists sa naganap na rally sa Pasay City kahapon.
Sa isang panayam sa PNP Chief kagabi, sinabi nito na naudyukan ang mga pulis sa Pasay nang magmura ang mga inakalang kasama ng mga rallyista.
Sinabi pa ng PNP Chief na maaari namang maghain ng reklamo o magpaliwanag ang mga naapektuhang mamamahayag na hindi kasama sa kilos-protesta o kung may nasira man sa kanilang gamit.
Una nang sinabi ng PNP na iniimbestigahan na nila ang tangkang pag-aresto sa beteranong photojournalist na si Bullit Marquez at Rene Dilan habang nagko-cover ng tensyon sa pagitan ng Bagong Alyansang Makabayan at mga pulis sa harap ng Aliw Theater.
Nanindigan ang PNP Chief na no-rally zone ang naturang lugar dahil hindi iyon freedom park, lalo’t nagpapatuloy ang ASEAN Ministers Meeting sa PICC, na hindi kalayuan sa lugar.
