Photo courtesy of PNP
Pinagana na ng Philippine National Police (PNP) ang disaster response at incident management teams sa Hilagang Luzon at iba pang lugar na maaaring maapektuhan ng Bagyong Kiyapo.
Inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga Police Regional Office na mag-preposition ng search and rescue (SAR) personnel, rubber boats, high-clearance vehicle, at iba pang kagamitang pang-emergency sa mga lugar na madaling bahain at magkaroon ng pagguho ng lupa.
Sa ambush interview naman sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, in-activate na rin sa Region 2 ang Sub-Committee on Natural Disasters dahil inaasahan na mas maaapektuhan ito ng bagyo. Nakahanda na rin aniya ang mga SAR team para sa posibleng preemptive evacuation.
Ayon kay Co, lahat ng pulis sa mga maaapektuhang lugar ay deployed na, kabilang ang 200 pulis na ipinakalat sa Region 2 para tumulong sa pagtugon sa epekto ng bagyo.
Nanawagan naman ang PNP sa publiko, lalo na sa mga residente na nasa mabababang lugar at landslide-prone communities, na manatiling alerto at makipagtulungan sa mga awtoridad kung kinakailangang lumikas.
Inaasahan naman magdedeklara ng heightened alert status ang PNP sa mga lugar na maaapektuhan ng bagyo.