Tiwala ang prosekusyon na malakas at maliwanag ang kanilang naging presentasyon ng mga ebidensya at testigo sa Article IV of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay House Prosecution Panel Legal Spokesperson, Attorney Benjamin Tolosa, sinabi nito na wala nang pagdududa para sa prosecution ang ginawang banta ng bise presidente sa buhay nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at Representative Martin Romualdez, base na rin sa mga resulta ng mga naging ebidensya at pahayag ng mga testigo.
Aniya, kung mayroon mang nakulangan sa presentasyon ng ebidensya, baka aniya nanggagaling ito sa hindi pa napangalanang nakausap ni VP Sara para patayin umano ang pangulo.
Ngunit ayon kay Atty. Tolosa, hindi na ito kailangan dahil si VP Sara na mismo ang nagsabi at nag-anunsyo sa publiko na napatunayan at malinaw na isang pagbabanta.
Ayon pa sa tagapagsalita ng prosekusyon, ang usapin dito ay impeachment kung saan inuusisa ang mga naging aksyon at salita ng bise presidente, kung ito ba ay nagpapakita nang paglabag sa konstitusyon ng Pilipinas, maging sa tiwala ng taong bayan.