Pormal nang itinaas ng Pilipinas at European Union ang antas ng kanilang diplomatic relations sa pamamagitan ng paglulunsad ng Enhanced Partnership, kasabay ng pagpapalalim ng kooperasyon sa seguridad, ekonomiya, at pagtataguyod ng international law.
Ayon kay European Union High Representative Kaja Kallas, ang bagong kasunduan ay magbubukas ng mas madalas na high-level dialogue, mas mahigpit na koordinasyon sa foreign at security policy, at mas malawak na pagtutulungan sa kalakalan, climate action, digital transformation, at connectivity. Binigyang-diin din niya ang suporta ng EU sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), kalayaan sa paglalayag, at sa 2016 Arbitral Award sa South China Sea.
Samantala, pinasalamatan ni Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro ang EU sa kauna-unahang €15 milyong assistance measure sa ilalim ng European Peace Facility. Aniya, gagamitin ito upang mapalakas ang maritime domain awareness ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagbabantay sa mga karagatan ng bansa.
Ayon sa dalawang panig, ang Enhanced Partnership ay sumasalamin sa lumalalim na ugnayan ng Pilipinas at European Union at inaasahang magpapalawak pa ng kooperasyon sa seguridad, ekonomiya, at iba pang larangang kapaki-pakinabang sa mga mamamayan ng magkabilang panig.