Tiniyak ni Senate President Sherwin Gatchalian na pagsisikapan ng Senado ang maagap na pagpasa ng panukalang 2027 national budget para maiwasan ang pagkaantala sa implementasyon ng mga programa ng pamahalaan at mapanatili ang paglago ng ekonomiya.
Sinabi ni Gatchalian na bagamat magiging hamon ang schedule dahil kasabay nito ang nagpapatuloy na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, makikipagtulungan siya kay Senate Finance Committee Chairman Senator JV Ejercito para maayos na maiplano ang pagtalakay sa panukalang budget.
Ayon kay Gatchalian, agad na isasagawa ng Senado ang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) at ang mga pagdinig ng Senate Committee on Finance sa sandaling maisumite ng Malacañang ang National Expenditure Program (NEP).
Isa rin sa mga opsyong pinag-aaralan ng Senado ang pag-upa ng ilang silid sa Philippine International Convention Center (PICC) para maidaos ang budget hearings habang nagpapatuloy ang impeachment trial.
Binigyang-diin ng Senate President na mahalagang maiwasan ang naranasang apat na araw na re-enacted budget noong unang bahagi ng 2026 dahil maaari itong makaapekto sa pagpapatupad ng mga proyekto at sa kabuuang ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa niya, nananatiling prayoridad ng Senado ang pagpapatuloy ng gawaing lehislatibo at ang pagtiyak na hindi maaantala ang mahahalagang pagdinig ng mga komite sa kabila ng sabay na isinasagawang impeachment proceedings. | ulat ni Nimfa Asuncion