Nagbabala ang DOST-PHIVOLCS kaugnay ng pagtaas ng volcanic activity ng Bulkang Bulusan matapos maitala ang 109 volcanic earthquake mula alas-12 ng madaling araw hanggang alas-3 ng hapon ngayong Hulyo 28.
Ayon sa PHIVOLCS, halos lahat ng naitalang lindol ay volcano-tectonic earthquake, na indikasyon ng pagbitak ng mga bato sa mababaw na bahagi ng bulkan.
Dahil dito, tumataas ang posibilidad ng phreatic o steam-driven eruption mula sa alinman sa mga summit vent ng Bulusan.
Nananatili ang Alert Level 1 o low-level unrest sa bulkan.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometer Permanent Danger Zone (PDZ), at pinaiigting ang pagbabantay sa 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ) sa timog-silangang bahagi nito.
Pinaghahanda rin ang mga komunidad sa posibleng ashfall at iba pang volcanic hazard, habang pinayuhan ang mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng Bulkang Bulusan.