Umabot na sa P31 milyon ang halaga ng tulong na naipaabot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lugar naapektuhan ng mga pag-ulan at bahang dulot ng Bagyong Kiyapo at Habagat.
Ayon sa DSWD, kabilang sa tulong na naipaabot na sa mga apektadong pamilya ay ang nasa higit 240,000 family food packs (FFPs) at non-food items tulad ng family kits at sleeping kits partikular sa mga nananatili sa evacuation centers.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, nasa higit 1,500 pamilya o 6,441 na indibidwal ang nananatili sa evacuation centers dahil sa kalamidad.
Tuloy-tuloy rin na nakikipag-ugnayan ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na ahensya para matiyak ang maagap na paghahatid ng iba pang kinakailangang tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng mga nasabing bagyo.
