Pinuri ni Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC Executive Director Undersecretary Renato “Aboy” Paraiso ang pinaigting na operasyon ng Philippine National Police laban sa mga nasa likod ng mga online threat kaugnay ng huling State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas, nagpahayag si Usec. Paraiso ng kumpiyansang mapapanagot ang mga natukoy na responsable sa naturang mga banta. Aniya, mahalagang may mapanagot upang magsilbing babala sa iba.
Ayon sa CICC, siyam na social media accounts na umano’y may kaugnayan sa mga hacker group ang natukoy na nagpapakalat ng mga banta at kaguluhan kaugnay ng SONA nitong Lunes. Agad namang naipatanggal ng mga awtoridad ang naturang mga account.
Kasunod nito, inatasan ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. ang PNP Anti-Cybercrime Group na higit pang paigtingin ang imbestigasyon at monitoring upang matukoy ang mga nasa likod ng mga online threat kaugnay ng SONA, kasabay ang pagtitiyak na masasampahan ang mga ito ng kaukulang kaso. | ulat ni Quincy Cahilig