Naghain ng panukalang batas ang Akbayan Party-list sa Kamara upang protektahan ang mga nangungutang laban sa talamak na pang-aabuso, pangha-harass, at pamamahiya ng mga pampublikong online lending platform.
Inihain nina Akbayan Reps. Chel Diokno, Perci Cendaña, at Dadah Ismula, kasama si Dinagat Islands Rep. Kaka Bag-ao, ang House Bill No. 10366 na naglalayong tuldukan ang mga hindi makatarungang gawain ng mga online lending app tulad ng public shaming, paggamit ng personal na impormasyon nang walang pahintulot, nakatagong charges, at labis-labis na interes.
Ayon kay Rep. Chel Diokno, isinulong ang panukala dahil sa patuloy na pagdami ng mga reklamong natatanggap mula sa mga biktimang ginigipit ng mga app habang nahaharap sa krisis sa pananalapi.
Anya.. matagal na siyang nakakatanggap ng mga reklamo laban sa mga abusadong online lending app kung saan nangha-harass at namamahiya sa paniningill.
Binigyang-diin din ni Rep. Perci Cendaña na hindi dapat maging dahilan ang utang upang tapakan ang karapatang pantao ng sinuman.
Upang maprotektahan ang mga borrower at matiyak ang patas na sistema, nakapaloob sa panukala ang 200% Cap sa Kabuuang Bayarin, Proteksyon sa Data Privacy at Transparensya, Pagbawal sa Abusadong Paniningil, Mabigat na Parusa at Victim Compensation Board.
Bubuuhin din ang Victim Compensation Board for Online Lending Abuses (VCBOLA)sa ilalim ng Securities and Exchange Commission (SEC) para sa mga reklamo at pagpataw ng refund, moral at exemplary damages, at attorney’s fees.
Inaatasan ng bill ang SEC na ipabara o ipatanggal ang mga hindi rehistradong online lending apps sa mga platform. | ulat ni Melany Reyes