Ikinatuwa ni Senador Joel Villanueva ang pagpapalawak ng benepisyo ng PhilHealth para sa mga batang may developmental disabilities, kabilang ang mga nasa autism spectrum, kasunod ng inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA).
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na dodoblehin ng PhilHealth ang therapy benefit package at itataas mula 90 hanggang 150 ang bilang ng therapy sessions na sasagutin para sa mga batang may developmental disabilities.
Ayon kay Villanueva, malaking ginhawa ito para sa mga pamilyang matagal nang gumagastos sa tuloy-tuloy na therapy ng kanilang mga anak.
Kasabay nito, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng agarang pagpasa ng panukalang National Autism Care, Support and Inclusion Act na naaprubahan na ng Senado sa ikatlo at pinal na pagbasa noong March.
Layunin ng panukala na opisyal na kilalanin ang mga may Autism Spectrum Disorder o ASD bilang mga persons with disabilities para matiyak na makatatanggap sila ng mga benepisyo at proteksiyong nakapaloob sa umiiral na mga batas.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbuo ng isang National Plan of Action para sa ASD, pagpapalawak ng screening at maagang pagtukoy ng autism sa mga serbisyong pangkalusugan, at pagsasanay ng mas maraming developmental pediatricians, child neurologists, speech-language pathologists, at occupational therapists upang matugunan ang kakulangan ng mga espesyalista sa bansa.
Dagdag pa ni Villanueva, inaatasan din ng panukala ang PhilHealth na regular na repasuhin ang mga benepisyo nito para matiyak na naaayon ang saklaw ng tulong sa aktuwal na pangangailangan ng mga taong may ASD.
Umaasa naman si Villanueva na agad ding aaksyunan ng Kamara ang kanilang bersyon ng panukala para maisabatas ito sa lalong madaling panahon. | ulat ni Nimfa Asuncion