Photo courtesy of Bureau of Immigration (BI)
Dalawang Pilipina ang nasagip ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport matapos matukoy na posibleng biktima ang mga ito ng illegal recruitment at human trafficking habang patungo sana sa Pakistan at Myanmar.
Na-intercept ang dalawang babae, edad 39 at 25, sa magkahiwalay na insidente noong Hulyo 23 at 24 sa NAIA Terminal 3. Ayon sa BI, una nilang sinabi na turista lamang sila patungong Malaysia at Thailand.
Ngunit sa masusing inspeksyon, inamin ng 39 anyos na babae na sa Pakistan ang tunay niyang destinasyon upang magtrabaho bilang cleaner. Samantala, ang 25 anyos naman ay nagsabing pupunta sana sa Myanmar matapos alukin ng trabaho sa isang online gaming hub sa pamamagitan ng Telegram, na may ipinangakong buwanang sahod na 1,500 US dollars.
Binigyang-diin ng BI na karaniwang ginagamit ng mga recruiter ang mga hindi totoong travel declaration at social media upang mailusot ang mga biktima ng ilegal na recruitment.
Kapwa isinailalim sa pangangalaga ng Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT ang dalawang babae habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga recruiter.
Muli ring pinaalalahanan ng BI ang publiko na maging mapanuri sa mga alok na trabaho sa ibang bansa at agad iulat ang hinihinalang human trafficking sa IACAT Hotline 1343.