Photo courtesy of PNP Southern Police District
Inaresto ng Taguig City Police ang isang 28-anyos na Chinese national matapos umanong mang-insulto at manggulo sa isang road rage incident sa Bonifacio Global City o BGC noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alias Xiangjie, na isa ring residente sa lugar. Ayon sa imbestigasyon, naganap ang insidente bandang 6:30 ng gabi sa kanto ng 11th Avenue at 39th Street nang bigla umanong huminto ang suspek habang nagbibisikleta sa pedestrian lane.
Dahil dito, napapreno nang biglaan ang SUV na nasa likuran upang maiwasan ang banggaan.
Pagkatapos nito, bumaba umano ang suspek sa kanyang bisikleta, paulit-ulit na hinampas ang bubong ng sasakyan, sumigaw ng mapanlait na salita sa driver at pasahero, at gumawa pa ng mapang-insultong hand gesture.
Agad namang namagitan ang mga BGC marshal at mga pulis, na nauwi sa pag-aresto sa suspek.
Dinala ang suspek sa ospital para sa medical examination bago isinailalim sa proseso ng imbestigasyon at pagsasampa ng kasong Unjust Vexation sa ilalim ng Article 287 ng Revised Penal Code.
Pinuri naman ng Southern Police District ang mabilis na pagtugon ng mga operatiba at muling iginiit na paiiralin ang batas nang patas anuman ang nasyonalidad ng taong sangkot.