Asahan pa ang paglabas ng mas marami pang pangalan ng mga nakatanggap ng confidential funds sa Impeachment Court sa mga susunod na pagdinig kaugnay ng Article I (Misuse of Confidential Funds) ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang press conference matapos ang Day 11 ng impeachment trial, nilinaw ni House Prosecutor at Manila Rep. Joel Chua na ang mga pangalang nabanggit sa pagdinig ay tumutukoy pa lamang sa pondo para sa ikaapat na quarter ng 2022.
Hindi pa umano kasama rito ang mga transaksyon noong 2023 para sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Dagdag pa ni Chua, bagama’t pinapayagan ng batas ang paggamit ng pseudonyms o alyas sa liquidation report ng confidential funds, obligasyon pa rin ng OVP na iharap ang tunay na pagkakakilanlan ng mga nakatanggap nito.
Paliwanag ng mambabatas, dapat ay nakatago at nakasilid sa isang nakatelyong sobre ang mga totoong pangalan ng mga recipient, ngunit bigo umano ang OVP na isumite ang mga ito sa Commission on Audit (COA).