Photo courtesy of Metropolitan Manila Development Authority (MMDA)
Patuloy ang pagsisikap ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) upang mas matugunan pa ang problema sa pagbaha sa Metro Manila.
Sa panayam ng programang BOSES kay MMDA General Manager, Undersecretary Nicolas Torre III, sinabi nitong nakikipagtulungan na sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa pagsasa-ayos ng drainage system sa kahabaan ng Taft Avenue at sa iba pang lugar sa Kamaynilaan.
Mahalaga kasi ayon kay Torre na maisaayos ang daluyan ng tubig sa mga nasabing lugar upang hindi naman mahirapan ang mga bagong bukas at operating pump stations sa Maynila at ang mga ide-deploy na mobile pumps.
Oras kasi na matapos ito ay tiyak na malaking ginhawa sa mga residente lalo na sa mga commuters at estudyante na kadalasang pineperwisyo ng baha.
Nakikipag-ugnayan na rin ang MMDA sa iba pang lokal na pamahalaan upang mas matutukan ang mga Oplan Kontra Baha measures sa kani-kanilang nasasakupan.