Suportado ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang pag-alis ng Systems Loss Charge at kaikibat nitong value added tax sa singil sa kuryente ng mga energy provider.
Maaalalang ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Junior ang nasabing hakbang mula sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) kamakailan.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay PCCI President Ferdinand “Perry” Ferrer, ibinahagi nito na malaking tulong para sa pribadong sektor at mga negosyante ang pagtanggal ng systems loss charge mula sa kanilang buwanang bayarin sa kuryente.
Aniya, hindi lamang mga negosyante ang makikinabang sa naisin na ito ni Pangulong Marcos kundi ang buong bansa.
Handa rin aniya na makipagtululangan ang PCCI at pribadong sektor para sa mga reporma sa umiiral na batas para sa pagpapatupad nito.
Dagdag pa ni Ferrer, isa rin sa nagiging balakid para sa mga nais mamuhunan o magtayo ng negosyo mula sa loob at labas ng bansa ang taas ng presyo ng kuryente kaya dapat aniya itong mapag-aralan.