Umabot na sa kabuuang 12,432 pamilya o 41,979 indibidwal ang apektado ng pinagsamang epekto ng Bagyong Luis, Bagyong Maymay at pinalakas na Habagat sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Batay sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), naitala ang mga apektadong pamilya sa Regions I, II, III, V, IX at Cordillera Administrative Region (CAR).
Sa kasalukuyan, 1,821 pamilya o 5,818 indibidwal ang pansamantalang nananatili sa 14 na evacuation centers, habang isang bahay ang naitalang bahagyang napinsala.
Wala namang naitatalang nasawi, nasugatan o nawawala kaugnay ng masamang panahon.
Umabot naman sa ₱1.22 milyon ang halaga ng naipamahaging tulong ng pamahalaan sa mga apektadong residente.
Samantala, sinabi ng NDRRMC na wala pang naitatalang anumang masamang epekto kaugnay ng magnitude 7 na lindol na tumama sa Sarangani, Davao Occidental. | ulat ni Diane Lear